gusto kong ma-inlove.. ulit

Gusto kong ma-inlove ulit. Oo, tama ang basa mo.

Nakakamiss din pala ung pakiramdam na hindi mo na kailangang magisip, dahil kusa na lang na lumalabas ang ideya sa bawat pagtipa mo sa keyboard. Ung bawat minuto eh naghahanap ka ng ballpen at papel dahil may gusto kang isulat. Hindi nauubusan ng mga salita, hindi rin halatang pinilit. Hindi nawawala ang ngiti sa iyong labi dahil alam mong masaya ka sa iyong ginagawa. Dahil gusto mo. Dahil mahal mo.

Dumaan ang halos isang taon na nawalan ako ng gana, nawalan ng inspirasyon. Gusto ko nang sumuko, pero ayoko. Sayang. Ayoko na lang bigla na lang tumigil dahil lang sa pagkatamad o dahil wala akong gana. Inintay kong dumating ang panahon kung kelan makakabawi ako, kung kelan pakiramdam ko na ok na ulit, na maibabalik ko ang dati. Pero parang hindi na un mangyayari. Hirap na akong maglabas ng aking saloobin. Natakot ako sa panghuhusga ng mga tao na nakalimutan kong para sa akin ito, at hindi para sa kanila. Mali na pinapanalo ko ang aking takot at kaba, kaya heto ako ngayon, di malaman ang gagawin. Hindi maipahayag ng maayos ang nais sabihin. Hindi na talaga katulad ng dati. Dahil tumigil akong magsulat, parang nakalimutan ko na rin kung sino ako.

Gusto kong muling ma-inlove. Ung pakiramdam ng kilig sa tuwing may natatapos akong kwento. Ang pagmamahal ko sa mga karakter, kahit na gawa-gawa ko lamang. Pagkagaan ng loob sa tuwing nailalabas ko ang mga hinanakit at sakit na nadarama. Nakalimutan ko na, sa pamamagitan ng pagsusulat, nakakapagisip ako ng mas maayos, nagkakalinaw ang lahat at naisusulat ko ang mga ala-alang nais kong maalala habambuhay.

Heto ako ngayon, nagsisimula muli. Unti-unti kong minamahal ang dati kong hilig. Alam kong hindi ito agad-agad, handa akong maghintay.