Dayshifter

1:05am. Bago pa man ako pumasok ng trabaho, nakaplano na ang gagawin ko — gagawa ng sulat para kay Arvin, magsusulat ng blog entry at baka makapanood pa ng balita sa GMANews.tv Tuwing araw ng Biyernes magisa lang ako dito sa trabaho kaya kailangan ko ng magagawa para magising. Well, syempre kausap ko si Arvin sa YM pero araw-araw ko namang ginagawa un. Hehe.

Pumasok ako ng trabaho, bungad sa akin ng aking katrabaho, pagpasok pa lang ng pintuan ay gusto daw akong makausap ng supervisor ko. Red flag. Kinabahan na ako. Nagbabalak kasing lumipat na ng ibang department ung ka-shift ko, malamang nakuha na nya ung position. Maiiwan na naman akong magisa sa panggabi, lagi na lang. Pinuntahan ko ang aking bisor. May kausap syang isang programmer dahil may ginagawa silang boot ngayong gabi. Nilapitan nya ako, kinamayan at sinabing "Congratulations". Doon na nawindang ang mundo ko.

Mula noong nagsimula ako sa trabahong ito, panggabi na ako. Ang dami nang nagbago at nagsialis pero nagstay ako sa panggabi. Tatlong bagong operator ang aking na-train, may nabuntis, nanganak, at lumipat ng ibang department. Nanatili akong 3rd shift operator sa loob ng halos limang taon. Ilang beses din akong nagsawa sa aking schedule, nagreklamong kulang sa tulog at pumasok na kulang sa tulog. Nasanay na din. Nakatulong pa nga sa akin dahil sabay ang oras ko sa Pilipinas. Hindi ako nakaramdam ng jetlag sa tuwing uuwi ako ng Pinas dahil sanay na ang katawan ko. Nakagala pa ako ng maayos. Hehe. Sa loob ng ilang taon na panggabi ako, naging buhay ko na ito. Nakisabay sa mga kapwa ko Pinoy na nagtatrabaho dito sa ospital. Nakaattend pa din ng mga party kahit na may pasok kinagabihan. Nakausap ang mga kaibigan sa Pilipinas, nakausap ang baby ko. 🙂

Ok ang schedule na panggabi, pero ninais ko rin namang maging normal ang buhay ko. Hehe. Gusto kong makatulog ng gabi at maramdaman ung pagkagahol ng gising sa umaga dahil late na sa trabaho. Ayoko nang umuwi ng maaga sa isang party dahil may pasok pa ako ng gabing iyon. Gusto ko naman na maramdaman ang init ng sikat ng araw — ung kagigising ko lang at hindi ung patulog na ako. Pakiramdam ko’y tama na ang limang taon na baligtad ang schedule. Gusto ko na nang pagbabago.

Kahit ako’y di ko inasahang ganito kabilis. Halos wala pang dalawang linggo ang dumaan. Dun sa sandaling kinamayan ako ng supervisor ko at sinabing "Congratulations", hindi ko alam kung anung aking dapat maramdaman. Para akong nakatama sa lotto. Gusto ko sanang tanungin ang bossing ko kung nagjo-joke lang ba sya. Pero hindi, pagkatapos naming magusap ay chineck ko ang aking work e-mail at ayun na nga, official na.

Sa Lunes, August 9, alas-otso na ng umaga ang pasok ko. Morning shift na ako. (Sa wakas! weeee!) May dalawang araw na lang ako para enjoyin ang pagiging panggabi. Sana lang, hindi ako malate sa Lunes. Hehe.

Sidenote: Nakaschedule na gumawa ako ng blog enty ngayon, pero hindi ito ang dapat kong ibo-blog. Next times na lang un. Hehe.