Nanay mode

Nung nakatira pa ako kasama ang mga magulang ko, napapansin ko na walang tigil sa paggalaw ang nanay ko. Maya’t-maya may nililinis, inaayos. Hindi matahimik sa iisang lugar eh kitang pwede namang manood lang ng TV o kaya pwedeng pwede din namang walang gawin. Hindi ko maintindihan kung bakit lagi nyang nililinis ung salamin sa may banyo at lagi na lamang syang may tinitiklop na damit. Lagi na lang may ginagawa, laging may hinahanap gawin.

Kanina, matapos ang trabaho, sobrang sakit ng ulo ko. Hindi na nga ako nakasama sa Happy Hour sa trabaho dahil umuwi na ako kaagad. Wala akong ganang makipagkwentuhan dahil masama ang pakiramdam ko. Nagdinner kami ni Robert tapos sabi nya, matulog na lang daw ako pagdating ko ng bahay. Magpahinga. Nakauwi kami, magaalas-otos ng gabi. Makalipas ang halos isa’t kalahating oras, gising na gising pa ako at ngayon lang ako natigil para lang magblog. Bigla kong naalala ang nanay ko.

Pagkauwi namin ng bahay, kinuha ko ung bagong labang bedsheet para tiklupin. Pagkatapos kong magtiklop, inayos ko din ung closet namin, lalo na ung mga sapatos ko. Tapos pumunta ako sa kusina, para ayusin ung mga nakalagay sa counter namin. Napapayag ko na din ang asawa ko na ipagluto sya ng babaunin nya para sa tanghalian bukas. Habang nagsasaing ako, tiniklop ko ung mga malilinis na damit nya. Pagkatapos ay nagluto na ako. Matapos magluto, naglinis ng kusina. Nagbanyo ako at dahil nakita kong marumi na ung bathtub, kinuha ko ung binili naming pagkuskos para linisin ito. Nilinis ko din ung salamin namin, napakadumi naman kasi. Bat ba kapag tumatalsik ang tubig, mamumuo ito? Malinis na ang banyo, may baon na din kami ng asawa ko para bukas. Nawala na ang sakit ng ulo ko.

Ngayon ko lang naintindihan ang nanay ko. Pwede naman na nakaupo lang ako sa harap ng TV o kaya magbasa ng libro. O kaya pwede namang natulog na lang ako, tutal un naman ang original na plano dahil sa masama ang pakiramdam ko. Pero wala, mas pinili ko pang kumilos dito sa bahay para maglinis, magluto. Nakakatawa lang na habang nililinis ko ang salamin namin, naririnig ko ung boses ng nanay ko — pinapagalitan kaming magkakapatid dahil hindi namin kayang linisin ung salamin ng banyo. Naintindihan ko na kung paanong walang pagod ang mga nanay, walang pagod ang nanay ko sa pagkilos sa bahay. Dahil gusto nyang maayos ang lahat. Dahil gusto nya ang ginagawa nya. Dahil para ito sa mga anak nya at asawa. Nakakatanggal din ng stress at pagod.

Hay, tapos na ang gawaing-bahay. 9:30pm pa lang inaantok na ako. Hay, ang sarap matulog neto.

3 thoughts on “Nanay mode

Comments are closed.