Hindi Pala Ikaw

Ang dami na din nating napagdaanan. Mga kwentong naibahagi ng isa’t-isa. Ang dami pa nga nating plano diba? Plano para sa hinaharap, mga gustong mangyari sa buhay. Hinintay nating dumating ang panahon na magiging realidad ang mga imaheng nabuo nating dalawa. Umasa tayo na magiging totoo ang mga panaginip. Mabibigyan ng buhay ang bakery na pareho nating gustong ipatayo. Ung may katabing bookstore para saktong tambayan ng mga mahihilig sa kape at libro.

Ilang taon din un. Sa bawat liham na naipadala, kalakip nito ang mga halik at yakap na nais nating iparamdam sa isa’t-isa. Kalakip nito ay ang pangakong balang-araw, magkakasama na din tayo at hindi na maghihiwalay pa. Sa bawat paguusap natin mapa-telepono o video call, unti-unti nating binuo ang magiging buhay natin, ang ating hinaharap.

Sa pagtagal, ito na ang naging realidad ko. Ikaw, tayong dalawa, magkasama. Ikaw na ang gusto kong makita paggising sa umaga at hindi lamang ang unan kong yakap ko ng mahigpit. Ikaw na ang gusto kong kasalo sa pagkain at wala nang monitor na naghihiwalay sa ating dalawa. Hanggang gabi, ikaw pa din ang gusto kong makatabi at makausap bago matulog. Gusto ko nang hilahin ang oras para kasama na kita kaagad. Ayoko nang maghintay.

Pero dahil mapaglaro ang buhay, hindi natupad ang mga gusto ko. Ung mga planong kasama kang bumuo, naglaho din nung ika’y lumayo. Nawalan ng saysay ang lahat. Nawalan ako ng ganang kumilos. Para akong naparalisa. Biglang nawalan ng linaw ang hinaharap.

Makalipas ang ilang taon, nagkaroon ng bagong linaw ang buhay ko. Natutunan kong mahalin ang sarili at maging  bukas sa mga pwedeng mangyari. Naging masaya ako at nagpatuloy ang buhay. Nagkaroon ng bagong plano para sa hinaharap.

Akala ko katapusan na ng mundo nung nawala ka. Akala ko hindi na pwedeng mawala ang mga pangakong nabitawan. Akala ko sigurado na ko.

Akala ko ikaw na. Hindi pala.