17

Birthday mo na sa Thursday, kaya din siguro kita madalas maisip. 33 years old ka na dapat pero na-stuck ka sa 17. Naalala ko pa na sinelebrate namin ung debut mo. Andun kaming lahat sa bahay nyo, may angel giveaway pa. Hindi ko na maalala kung nasaan ung angel ko, Michel. Malamang namisplace ko na yun, sorry.

Alam mo ba na namimiss pa din kita? 16 years ka na naming hindi kasama pero naalala ko pa din ung huling paguusap natin sa telepono. One week before ka mamatay, magkachikahan pa tayo sa telepono. Alam mo din ba na hindi ko na maalala masyado kung ano ba ung pinagkukwentuhan natin noon? Taon-taon kong naiisip ang parehong ala-ala pero taon-taon din may nawawalang detalye. Basta alam ko na magkausap tayo pero hindi ko alam kung masaya ka ba o malungkot. Kung ano ba ung shineshare ko sa’yo. Hindi ko na din maalala kung nakapagbabay pa ako sayo o hindi. Nakakalungkot. Nakakatakot dahil baka tuluyan ko nang makalimutan ung huling ala-ala natin.

Uuwi ako sa susunod na taon. Dadalaw ulit kami ni Raych sa’yo at isasama ko din si Robert. Magkakasundo kayo kung makikilala mo sya. Nakwento na din kita sa kanya ng ilang beses at sinabi ko na dadalawin ka namin. Pumayag naman sya. Oo nga pala, di ko pa nasasabi sa’yo. Nameet ko ng personal si Shannen Doherty. Kung ano ung itsura nya sa TV, ganun din sya sa personal. Sayang nga lang at hindi ko sya natanong kung bakit wala sya laging bra sa Charmed. Naalala mo un? Lagi ka naming inaasar ni Raych kasi walang bra si Prue, hehe.

Hay Michel. Ang selfish mang pakinggan pero sana buhay ka pa ngayon. Eh di sana sa tuwing uuwi ako ng Pinas, makikita ko kayong dalawa ni Raych. O baka naman nasa ibang bansa ka, eh di taon-taon sana tayong nagpaplano na magkita-kita. 16 years na din, ang tagal na.

Advanced happy birthday Michel. Hindi ko intention na maging malungkot, sobrang miss lang kita. Dadalawin naman kita next year, kukwentuhan ulit kita syempre.